Affiliate Program ”Get Money from your Website” Affiliate Program ”Get Money from your Website”

Thursday, October 13, 2011

Excuses...Excuses


Oo na. Tama kayo. I am long on excuses and short on writing new posts.

Naging busy sa career. May kinareer din. Medyo nadistract sa maraming bagay. Medyo nakalimutan ko na nga ang blog na ito. Pasensya.

Gusto ko na ulit magkwento. Maraming kwento. Kailangan lang ng will power para maisulat ko ang mga ito. Sige, susubukan kong ikwento ang lahat.

Lahat.

Saturday, June 11, 2011

Sunset In Boracay


Naglalakad lang naman ako kanina nang bumulaga sa akin ang isang nakamamanghang sunset. Ang baduy no, sunset, pero wala akong kamalay-malay, tinamaan ako. Siguro dahil nung mga nakaraang araw eh makulimlim at di ko man lang nasilayan ang ganoong pagdadapit-hapon. Ang ganda nung sunset. Yun bang gandang tipong di mo alam kung bakit maganda, pero alam mong maganda kasi may naramdaman ka.

Iba siya sa gandang madaling i-describe — kunwari sasabihin mo, shet, ang guwapo nung nakasalubong ko sa Greenbelt kanina, tisoy, tangos ng ilong, tapos yung mga mata, ampungay, parang si Sam Milby. Hindi ganoon. Well, yung ganung ganda, may mararamdaman ka rin naman, yun tipong tetelag ang ano mo, o magsasabaw-sabaw ang bibingka ni Aling Nena. Pero hindi ganoong klaseng feeling ang naramdaman ko dun sa sunset kanina.

Ang naramdaman ko, yung feeling ba na parang may dumaklot sa akin, sakal-sakal ako sa lalamunan, pero imbes na pumugak-pugak ako ay para bang kabaligtaran pa. Tipong, sa isang iglap, naging malumanay ang paghinga ko, at bigla kong na-realize na bago noon, ang babaw ko palang humigop ng hangin. Pero sa mga oras na iyon, ang sarap, ang ginhawa. Dahil ang ganda ng sunset.

Naisip ko rin na sa gitna ng napakaraming isyu sa buhay ko ngayon, hindi ko kailangang ikumpara ang sarili ko sa iba at sabihin, sila nga mas masahol pa ang mga problema, o kaya, sila nga walang makain, o mas lugmok, o mas kawawa. Parang sa isang iglap, dahil sa napakagandang sunset na iyon, naintindihan ko na kahit napakarami at patong-patong ang mga pinagdaraanan kong isyu sa buhay ngayon, may kung anong kapangyarihan pa rin ang walang tigil na kumakalinga sa akin. Hindi pa rin nauupos ang apoy sa puso ko, nakararamdam pa rin, at paminsan-minsan nga, pumupusok at bumubulusok pa rin.

Sabi nga, habang nagma-mature daw ang isang tao, nare-realize niya ang tunay na ganda ng pag-iisa. Ang pagiging buo kahit mag-isa. Yung hindi lagi na lang kailangang ikumpara ang sarili sa iba, para manigurado kung okay siya o hindi. Kung lamang siya, labis, o may kulang. Parang ibinulong sa akin nung sunset kanina, you are loved, and you are love. Ang corny, pero, anong magagawa ko, iyun ang naramdaman ko.

Naisip ko rin, meron talagang natatanging kabuluhan ang mga ulap ng buhay natin. Yung mga ulan-ulan at kulimlim, mga isyu natin na pilit man nating itaboy, parang wala silang pakialam. Parang bagyong ayaw lumihis ng landas. Siguro kung hindi makulimlim nung mga nakaraang araw, malamang na hindi ko napansin ang ganda ng sunset. May kabuluhan yung contrast. Mas naging maliwanag ang sikat ng araw dahil sa mga nakaraang pagkulimlim. Ganoon din naman sa buhay di ba? Mas nananamnam natin yung tamis dahil sa mga nakaraang pait? Mas nabibigyang halaga natin ang mga halakhak dahil sa mga nakaraang paghihinagpis?

Hala, ang drama na. At dahil lang sa napakagandang sunset kanina. Pero okay lang, paminsan-minsan, maganda yung may sarili kang soap opera. Dahil diyan mas malalim ang paghalukay mo sa mga karanasan ng buhay. Sige, namnamin lang, at laging isipin na sa kabila ng lahat, lilitaw din ang nakamamanghang ganda ng sunset.

Maligayang Pagdating



Malugod ko po kayong binabati ng maligayang pagdating sa pahinang ito. Nawa'y mula sa araw ng pagbukas nyo nito'y muli nyo akong babalik-balikan para sa isang makabuluhang pag-uusap. At sa darating na mga araw, inaasahan ko ang isang pag-uusap na sana'y maghahatid sa atin sa ibayong paglalakbay tungo sa magandang buhay.
Sa ngayon, hayaan muna nating maglakbay ang ating mga diwa upang sa ganun ay may sariwa tayong kwento pagdating nang bukas. Tungkol nga pala sa larawang inyong natunghayan, may kwento ako dyan. Yan ang inyong aabangan pagadating ng bukas....